Kailan lang ba ng ika’y mawala, Ador?
Sa tuwing ipipikit ko aking mga mata, malinaw pa rin kitang nakikita.
Na tila kani-kanina lamang tayo huling nag-usap.
Minamahal pa rin kita at ang mga alaala mo ang nagpapanatili sa katinuan kong gahibla na lamang ang natitira.
Kailan kaya tayo magkikitang muli?
Kailan ko kaya madarama ang dampi ng iyong mga labi? Ang higpit ng iyong mga yakap?
Kung sa kabilang buhay man ay palarin tayong mabigyan ng ikalawamg pagkakataon, sana, ay hindi na tayo magwalay pa.
Lahat ng ito ay pangarap na lamang na aking babalik- balikan sa tuwing pinapatay ako ng pangungulila ko sayo.
Sa ngayon, ang katotohanan muna ang aking haharapin.
Na ikaw ay lumisan na sa aking piling.
Hanggang sa muli nating pagkikita.
Ako Si Carmen III (Talaarawan)
3/28/2017
Ngayon ako ay buhay at kasama ko nang muli ang aking mga minamahal.
Akala ko isa na lamang akong lantang dahon na inaanod ng ilog ng kawalang pag-asa, ng pagkabahala, at ng walang katapusang pighati.
Marapat kitang pasalamatan. Utang ko sa iyo ang aking kaligtasan at ang aking ikalawang buhay.
Utang na loob. Iyan ang pinipilit kong ipaunawa sa aking sarili. Na walang ibang kahulugan ang aking nararamdaman.
Ikaw na tangan ang mukha ng aking asawa. Ikaw na nagligtas sa akin sa tiyak na kapahamakan. Ikaw ang pinagkakautangan ko ng loob.
Subalit sa tuwing magtatama ang ating mga mata, mas lalo kong napapatunayang higit pa roon ang kinukubli ng aking puso.
Magmula ng mawala ang aking kabiyak, walang araw na lumipas ni hindi ka sumagi sa aking isipan.
Pinuno mo ng galit ang aking puso. Galit sapagkat hindi na ikaw si Ador. At nang di malaon, ito’y naging galit sa aking sarili. Dahil sa kabila ng lahat hindi ko napigilan ang unti-unting mahulog sa iyo.
Bakit ganoon? Kaybilis, wala akong nagawa. Napakadaling napalitan ng pagibig ang aking damdamin.
Bakit ganoon? Tila ito’y higit pa sa aking unang pagibig. Marahil ikaw na nga talaga ang tunay na pagibig ng aking buhay. Na ang aking una ay siyang paraan ng mapaglarong tadhana upang ang mga landas natin ay magtagpo.
Ang akala ko sa pagitan ng ating mga lihim na ngiti at patagong tinginan ay may damdamin ka rin sa akin. Ngunit parang bulang naglaho ang lahat. Nawala ang tamis ng iyong mga ngiti sa akin. Nawala ang mga titig mong may pagaalala.
Ano ang nangyari? Mabibigyan pa kaya ng kasagutan ang aking katanungan?
Marahil, ako lamang ang umasa. Marahil, ako’y nagkamali ng akala.
Marahil ay wala ka ngang nadamang pagibig sa akin.
Ngunit narito pa rin ako. At sa bawat araw na lumilipas, lumalawak man ang pagitan nating dalawa, mas lalo kong nasisigurong sa ikalawang pagkakataon… ako ay nagmamahal.